CAGAYAN DE ORO CITY – Nagkainitan ang mga opisyal ng Mindanao International Container Terminal Port (MICT) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa panibagong basura mula sa bansang Australia na itinapon sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Itoy matapos iginiit ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na hindi hazardous waste ang 162 toneladang mga basura dahil nakapasa ito sa kanilang isinigawang pagsusuri.
Ayon kay Antiporda hindi rin ito matawag na mga basura kundi isang processed engineered fuel.
Gagamitin umano itong enerhiya sa pag-gawa ng semento ng kompaniyang Holcim Philippines.
Ngunit sinabi ni MICT Collector John Simon kahit anong gawing paliwanag ni Antiporda, maituturing pa rin na basura ang mga ito.
Hindi rin umano nito maintindihan kung papaano magiging ‘fuel’ ang mga basurang kanilang nasabat.
Naniniwala si Simon na mayroong sabwatan sa pagitan ng iilang opisyal ng DENR at Holcim kung kaya’t nakapasok sa bansa ang mga basura at itinapon sa Misamis Oriental.