Bilang bahagi ng pagtutok ng National Food Authority sa nagpapatuloy na palay procurement, nakatakdang magtungo ngayong araw ang mga kinatawan nito upang magsagawa ng inspeksyon.
Mangunguna sa naturang aktibidad si NFA Administrator Larry Lacson at DA Undersecretary for Rice Industry Cris Morales.
Personal nitong bibisitahin ang mga magsasaka na nagbebenta ng bigas sa kanilang mga warehouse sa Malipampang, San Ildefonso, Bulacan.
Pagkatapos ay magtutungo rin ito sa Brgy. Sta. Rita Warehouse sa San Miguel Bulacan upang makipag pulong sa mga kinatawan at opisyales ng mga kooperatiba doon.
Kung maaalala, sinabi ng NFA na buo ang kanilang tiwala na makakamit ng kanilang ahensya ang target na bilang ng palay sa kabuuan ng taon.
Sa unang kalahati ng taon pa lamang ay nakalikom na ito ng aabot sa mahigit tatlong milyong sako ng palay.
Naging epektibo rin aniya ang kanilang pagtataas sa presyo ng kada kilo ng palay para tumaas ang kita ng mga magsasaka at maingganyo ang mga ito na magbenta ng aning palay sa ahensya.