Kaniya-kaniyang naglabas ng saloobin ang mga opisyal ng Western Visayas hinggil sa nangyaring malawakang blackout sa Panay Island sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Energy ngayong araw.
Ibinahagi ni Iloilo City Representative Jam Baronda ang mahirap na karanasan ng mga Ilonggo na mas malala pa sa pagpapalipas ng gabi sa pampublikong lugar.
Nang bumisita umano siya sa isang barangay noong January 6 ay napag-alaman niyang pinabuksan ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas ang sementeryo dahil sa mas malamig na ihip ng hangin para sa mga residenteng apektado.
Sa panig naman ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na nagdiwang ng Holiday season sa Iloilo ay personal na naranasan ang tatlong gabing walang kuryente kung saan pamaypay lang ang panlaban sa init at sa kagat ng lamok.
Umaapela naman si Iloilo Governor Arthur Defensor ng agarang solusyon kabilang ang pagkumpleto sa vital infrastructures gaya ng Cebu-Negros-Panay backbone project at ang pagsasaayos ng protocols ng National Grid Corporation of the Philippines.
Ayon kay House Committee on Energy chairperson Marinduque Representative Lord Allan Velasco na nakalulungkot na nagkaroon pa rin ng power interruption sa kabila ng mga naunang diskusyon noong nakaraang taon para mapabuti ang katatagan ng transmission grid sa voltage fluctuations at kakulangan sa suplay ng kuryente.
Nauunawaan umano niya ang pinagdaanan ng mga probinsya dahil minsan na ring nakaranas ng blackout ang Marinduque.
Iginiit ni Velasco na kailangang pag-aralan ang ugat ng problema at magpatupad ng short at long-term solutions para sa ikabubuti ng energy sector.