LAOAG CITY – Mahigpit ang paghahanda ng mga opisyal dito sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos itinaas sa Signal number 1 dahil sa Bagyong Ineng.
Sa ngayon, isinasagawa ang pre-disaster assessment sa buong lalawigan.
Una nang ipinaliwanag ni Doctor Melvin Manuel, ang pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) dito sa lungsod ng Laoag na kung maisailalim sa signal number one ang isang lugar ay kailangan magsagawa agad ng pre-disaster assessment.
Aniya, sa pamamagitan ng nasabing hakbang ay maiwasan na may maitatalang casualties kung sakaling lumala ang sitwasyon.
Maliban sa Ilocos Norte, isinailalim pa ang signal number one sa Batanes; Cagayan, kasama ang Babuyan Group of Islands; Isabela; Apayao; Kalinga, at Northern Abra.
Sa ngayon, nakakaranas ng malakas na ulan ang malaking bahagi ng lalawigan dahil sa nasabing bagyo.