LEGAZPI CITY – Itinaas na sa code white alert ang lahat ng ospital sa Bicol dahil sa posibleng dagsa ng mga mabibiktima ng paputok kasabay ng pagsalubong ng bagong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOH Bicol director Dr. Ernie Vera, naka-standby na umano ang lahat ng medical staff at emergency personnel sa mga inaasahang pasyente.
Handa na rin aniya ang mga pasilidad ng malalaking pagamutan sa Bicol na gagamitin.
Umaasa naman si Dr. Vera na hindi na madaragdagan pa ang bilang ng mga naputukuan na batay sa pinakahuling tala, pumalo na sa 10 biktima ng firecracker-related injury sa Bicol.
Muli namang nagpaalala ang ahensya na huwag na lang gumamit ng paputok mapalegal man o iligal at gumamit na lang ng mga alternatibong bagay na lilikha ng ingay upang makaiwas sa anumang injury.
Panawagan rin nito sa Department of Interior and Local Government (DILG) na tulungan ang ahensya sa kampanya o mag-set up ng mga local fireworks unit.
Samantala, naka-standy na rin ang higit 100 na firetrucks at 900 bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SFO4 Aramis Balde, tagapagsalita ng BFP Bicol, nag-deploy na ng mga tauhan sa mga fire-prone areas sa buong Bicol.
Liban ditro 24/7 umano ang monitoring sa mga dikit-dikit na kabahayan na karaniwang prone sa sunog.