-- Advertisements --
image 597

Inilagay ng Department of Health (DOH) ang lahat ng ospital sa Region IV-A (Calabarzon) sa ilalim ng code white alert status dahil sa ng volcanic smog (vog) na dulot ng patuloy na aktibidad ng Taal Volcano.

Ang code white alert ay tumutukoy sa kahandaan ng mga ospital at pasilidad ng kalusugan na tumugon sa mga emergency situations.

Binalot kasi ng vog ang mga bahagi ng rehiyon kabilang ang Cavite, at Batangas, na nagdulot ng mga isyu sa kalusugan sa ilang residente tulad ng pangangati ng mata, paninikip o pananakit ng dibdib, at pangangati ng lalamunan.

Ang nasabing kaganapan ay nag-udyok din sa pagsuspinde ng mga klase sa mga paaralan.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi bababa sa 22 bayan at apat na lungsod sa Batangas ang apektado ng sulfur dioxide emission (SO2).

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na hindi ito indikasyon na pumutok ang bulkan o puputok ito kundi normal phenomenon lang ang pagkalat ng vog sa isang abnormalidad ng nasabing bulkan.

Ang datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay nagpakita na ang sulfur dioxide emission mula sa Taal ay nasa 4,500 tonelada, mas mababa sa 20,000 toneladang ibinubuga nito noong 2020.

Sa ngayon, mahigpit na pinapyuhan ang mga residente na apektado ng vog na magsuot ng facemask upang maiwasang makalanghap ng ash particles na maaaring magdulot ng sakit.