-- Advertisements --

Hirap na umano ngayon ang mga ospital sa Moscow dahil sa nararanasang malakihang pagbuhos ng mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19) kasabay ng pag-akyat sa mahigit 100 ng death toll sa Russia.

Ayon sa mga opisyal, nasasagad na raw ang mga ospital sa Russian capital kahit halos dalawang linggo nang naka-lockdown ang Moscow at iba pang mga rehiyon upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

“The situation in both Moscow and St. Petersburg, but mostly in Moscow, is quite tense because the number of sick people is growing,” wika ni Kremlin Spokesman Dmitry Peskov.

“There is a huge influx of patients. We are seeing hospitals in Moscow working extremely intensely, in heroic, emergency mode.”

Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang Russia ng 13,584 kaso ng nagpopositibo sa virus, at pumalo na rin sa 106 ang kabuuang bilang ng mga namatay.

Sinabi pa ni Peskov, magiging malinaw lamang sa mga susunod na linggo ang sitwayson kung malapit na bang maabot ng Russia ang “worst point” ng outbreak.

Kung ang mayor naman ng Moscow na si Sergei Sobyanin ang tatanungin, malayo pa raw sa peak dahil nasa “foothills” pa lamang ang kanilang nararanasan.

Nakatakda namang magpatupad ng permit system ang mga otoridad sa Moscow upang makontrol ang paggalaw sa loob ng siyudad sa susunod na linggo upang makatulong sa lockdown. (Reuters)