ROXAS CITY – Nagkakaubusan na umano ng face mask sa mga pamilihan sa Singapore, matapos umabot na sa apat ang kumpirmadong corona virus patient na kasalukuyang isinailalim sa quarantine sa isang ospital sa nasabing bansa.
Sa ulat sa Bombo Radyo Roxas ni Bombo International Correspondent Alma Avelino, tubong Roxas City at 13 taon nang nagtatrabaho sa Singapore bilang migrant worker, sinabi nito na wala nang mabibiling mask sa mga drugstore, dahil simula ng lumabas ang balita, nag-unahan na sa pagbili ang mga tao.
Nagkaroon rin ng panic buying sa ilang lugar sa Singapore, sa takot na mawalan ng supply ng pangunahing pangangailangan sa loob ng bahay.
Maging sa mga ospital ay hindi pinahihintulutang may makalabas na mask dahil binibigyang prayoridad ang mga pasyente ng ospital.
Nagpalabas na rin ng advisory ang Singaporean government sa publiko na magsuot ng mask pag lumabas ng bahay lalo na kung crowded area ang pupuntahan.
Nanawagan rin ang gobyerno sa mga indibidwal na galing sa China na nakaramdam ng flu like symptoms na sumailalim sa coronavirus test para sa sariling proteksyon at hindi makahawa sa iba.
Samantala sa kabila na may takot na naramdaman ang mga tao ay tuloy pa rin ang kanilang selebrasyon ng Chinese New Year.