CENTRAL MINDANAO – Sa ikalawang pagkakataon ay nakapagbigay ng livelihood training ang Federation of Sangguniang Kabataan (SK) of Kidapawan para sa mga Out-of-School Youth at mga kabataang single mothers mula sa iba’t ibang barangay sa Kidapawan City.
Ang training na tinawag na “SK Pangkabuhayan Livelihood – Simple Bookkeeping” na ginanap sa Convention Hall, Kidapawan City ay sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI) North Cotabato Office.
Sinabi ni Kidapawan SK Federation president at ex-oficio Councilor Cenn Teena Taynan na layon ng aktibidad na mabigyan ng kaalaman ang mga kabataan patungkol sa simple bookkeeping at maibahagi sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos o systematic recording of business transactions.
Paraan rin daw ito ng Kidapawan SK Federation para matulungan ang mga OSY at mga kabataang ina na naghahanap ng trabaho at maging kaagapay sa pagharap sa ‘di kanais-nais na sitwasyong dala ng pandemiya ng COVID-19.
Abot naman sa 78 kabataan ang aktibong kalahok ng training.
Ayon pa kay Taynan, naging resource persons sa naturang training sina Hannie Lou Llupar at Shekina Ancheta ng DTI kung saan binigyang-diin nila ang kahalagahan ng financial literacy lalong-lalo na sa mga kabataan.
Matatandaang noong Sep 21, 2021 ay unang nagsagawa ng livelihood training ang SK Federation para sa mga OSY at young single mothers na naglalayong mapaangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Halos 100 mga partisipante din ang nakinabang sa nabanggit na aktibidad.