BOMBO DAGUPAN – Nababahala ang mga Overseas Filipino Workers dahil lalong tumitindi ang pagpapaulan ng mga rockets ng Hamas sa Israel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eva Maranan Cortez, Bombo International News Corresponent sa nasabing bansa, malayo man sa kanila ang pagpapasabog ngunit nararamdaman nila ang lakas nito.
At sa oras naman na muling tumunog ang sirena ay agad din aniya silang pumupunta sa mga ligtas na lugar partikular na sa mga bomb shelter.
Aniya, sa likod ng mga ito ay nananatili pa rin silang kalmado at handa sa mga bawat pag alerto.
Samantala, oras oras din nilang minomonitor ang mga balita galing sa mga mapagkakatiwalaang kuhanan ng impormasyon kabilang na din ang Israel Defence Forces, Department of Migrant Workers, at Overseas Workers Welfare Administration.
Sa pamamaraang ito ay nagagawa nilang mapaghandaan ang mga abiso at babala.
Sa kabilang dako, sa tingin ni Cortez ay mapapaigting pa ang gyera dahil balak lamang ni Prime Minister Netanyahu na magpatupad ng ceasefire kung pinakawalan na ng mga Hamas ang higit 200 hawak nilang mga hostage.