KALIBO, Aklan – Kontrolado na ang coronavirus disease (COVID-19) sa bansang Norway kasunod ng pagbaba ng transmission ng naturang sakit.
Ayon kay Bombo International Correspondent Vilma delos Santos, tubong Kalibo, Aklan at kasalukuyang naninirahan sa Oslo, Norway na naabot na ng pamahalaan ang kanilang target na mapigilan ang pagkalat ng virus.
Naging epektibo aniya ang mahigpit na pagpapatupad ng restrictions ng pamahalaan sa mga mamamayan katulad ng social distancing na dalawang metro ang layo sa bawat isa, paghuhugas ng kamay at pananatili sa loob ng bahay.
Sa ngayon ay binuksan na ang mga paaralan at nurseries sa Oslo.
Simula Marso 27 ay unti-unti na aniyang ibabalik ang operasyon ng ilang mga establisimento sa lugar kagaya ng mga parlors, restaurants sa kondisyon na susunod sa mga ilalatag na regulasyon.
Nabatid na noong Marso 12 ay ipinatupad ang total lockdown sa maraming mga pampubliko at pribadong institusyon kasama ang mga paaralan at kindergartens na labis na nakaapekto sa ekonomiya doon at marami ang nawalan ng trabaho.
Subalit, mapalad umano sila dahil suportado ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan upang maiwasan ang pagkabangkarote at gutom.