Umaasa ang Department of Education (DepEd) na tataas pa lalo ang bilang ng mga estudyanteng magpapatala ngayong taon lalo pa’t pinayagan ang mga paaralan na tumanggap ng mga late enrollees.
Sa ngayon kasi ay nasa 20.7-milyon pa lamang ang mga nagpaparala para sa School Year 2020-2021, na 74.6% ng enrollment noong nakalipas na taon.
Sa nasabing bilang, 19.6-milyon ang nagpatala sa mga public schools, habang 1.09-milyon naman ang mga nagparehistro sa mga private schools.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni DepEd Usec. Jesus Mateo na puwede ang late enrollment sa mga eskwelahan hanggang huling linggo ng Setyembre.
Batay sa kanilang Department Order 13 s. 2018, maaaring tumanggap ng late enrolees ang mga eskwelahan basta’t pasok ito sa 80% ng prescribed number ng school days.
“Huwag po kayong mag-alala dahil sa ating patakaran, under Department Order 13 s. 2018, tumatanggap naman po tayo ng mga late enrollees kasi alam naman natin na dahil dito sa pandemya, mayroon pa ring mga magulang ang may agam-agam,” wika ni Mateo.
Nitong Miyerkules nang maitala rin ang mahigit 300,000 na mga estudyante na nagsilipatan mula pribado patungo sa mga pampublikong eskwelahan.
Una nang sinabi ng DepEd na ang rason sa paglipat mula private papuntang public schools ay dahil sa epekto sa ekonomiya ng coronavirus pandemic.