Isasara muna ang lahat ng mga paaralan sa Bangkok, Thailand sa loob ng dalawang linggo matapos makapagtala ng pagsirit sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nitong Biyernes nang umabot sa 279 ang mga bagong kaso ng coronavirus na naitala sa Thailand, kung saan ang karamihan sa mga ito ay sinasabing may kaugnayan sa cluster ng mga migrant workers sa lalawigan ng Samut Sakhon.
Habang ang isa pang cluster ay konektado umano sa mga illegal gambling den sa probinsya ng Rayong.
Kumalat na umano ang naturang mga cluster sa Bangkok, kaya napilitan ang mga local officials na higpitan ang mga ipinatutupad na hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
“We begin to detect new cases linked to students and other service businesses,” wika ni Pongsakorn Kwanmuang, tagapagsalita ng Bangkok Metropolitan Administration.
“Therefore we decided to close more places,” dagdag nito.
Paglalahad ni Pongsakorn, sarado muna ang lahat ng mga paaralan, daycare centers, preschool at tutorial centers mula Enero 4 hanggang 17.
Habang ang ibang mga pampublikong pasilidad gaya ng amusement park, playground, public baths at massage parlor ay isasara na sa Sabado.
Ikinokonsidera rin aniya ng siyudad na magpataw ng restriksyon sa mga restaurants ngunit kailangan pa raw na matalakay ito nang husto. (Reuters)