-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagpatupad na ng ‘blended learning’ ang mga paaralan sa Iloilo City dahil sa matinding init ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Alexis Rivas, Principal IV ng Jalandoni Memorial Elementary School, sinabi nito na umaabot na sa mahigit 80 mga estudyante sa kanilang paaralan ang hinimatay o di kaya ay nakaranas ng pagkahilo at pagdurugo ng ilong habang nasa klase.

Ayon kay Rivas, maging ang kanilang mga guro at staff ay apektado rin ng sobrang init ng panahon na siyang dahilan ng pagkansela nila ng klase sa buong maghapon.

Sa pamamagitan anya ng blended learning matitiyak ang kalusugan ng mga estudyante at maiwasan na madagdagan pa ang mga magkakasakit dulot ng sobrang init ng panahon.

Anya, papayagan lamang na makabalik ang mga mag-aaral sa kanilang silid kapag ligtas na muli ang mga estudyante at guro sa heat related incident base sa pamantayan ng paaralan.