LEGAZPI CITY – Passable na ngayon ang daan patungong San Miguel, Catanduanes matapos ang isinagawang clearing operartions ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Naharangan kasi ng mga debris ang kalsada matapos ang mga naitalang pagguho ng lupa dala ng malakas na mga pag-ulan.
Ayon kay San Miguel MDRRMO head Mary Ann Tevez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, agad namang pinakilos ang mga responders upang hindi magdulot ng gaanong abala sa mga dumaraang sasakyan ang insidente.
Maliban sa landslide, tumaas rin ang lebel ng tubig sa ilog sa lugar na dahilan ng pagka-stranded ng ilang residente.
Muli ring napinsala maging spillway sa bayan na una nang inayos matapos ang Bagyong Rolly.
Samantala sa Albay, lumubog ang isang pribadong motorbanca na inarkila mula sa Brgy. Poblacion ng Rapu-Rapu lulan ang 15 nurses at dalawang midwives.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi kay Mark Christian Realubit na isa sa mga sakay, nagtamo ng sugat ang ilan sa mga kasamahan.
Mabuti pa naman umano ang lagay ng dagat nang umalis sila at dadaong sana sa Sto. Domingo subalit nakasalubong ang malakas na hangin at malalaking alon sa Sula Channel.
Na-rescue naman ang mga ito sa Sitio Moroboron sa Barangay Misibis, Bacacay.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa mga pasahero, motorbanca operators at iba pang maritime stakeholders na sumunod sa sea travel suspension at safety advisories.