-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Matinding kalungkutan ang nadarama ngayon ng simbahang Katolika lalo na sa buong Italya matapos ang biglaang pagkamatay ni Pope Francis o Jorge Mario Bergoglio sa totoong buhay kahapon ng ala-1:35 ng hapon, oras sa Pilipinas.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Reverend Fr. Coke Prieto, Bombo international correspondent sa Roma, na halatang pinilit lamang ng Santo Papa ang kanyang sarili na makita ng publiko ang kanyang presensya noong Easter Sunday kungsaan binasa ang kanyang ‘Urbi et Orbi’ message ni Archbishop Diego Ravelli, ang Master of Pontifical Liturgical Celebrations.

Matutunghayan umano ilang araw mula ngayon ang mga pagbabagong una nang inihabilin ng Santo Papa na sundin ng Simbahan sa pagkamatay ng Holy Father partikular na ang direktang paglagay sa kanya sa open casket imbes na ilagay muna sa death bed.

Dagdag pa ni Fr. Prieto na matapos inanunsyo ng Vatican ang pagkamatay ni Pope Francis, nagpalabas naman ng notification si Archbishop Ravelli, na si Most Reverend Eminence Cardinal Kevin Joseph Farrell na, na syang camerlengo ng Holy Roman Church, ang mag-preside sa pagdetermina sa paglagay sa bangkay ng Holy Father sa kabaong pati na sa pamumuno sa Simbahan upang maging maayos ang lahat.