Ginisa ni Sen. Panfilo Lacson si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon dahil sa umano’y paiba-iba nitong salaysay sa pagdinig ng Senado ukol sa posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Una nang inamin ni Faeldon na kanya raw pinirmahan ang memo order ukol sa release ni Sanchez.
Ngunit kanya itong binawi ilang minuto matapos lagdaan at inihayag na hindi raw ito pasok sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) program.
Ani Faeldon, ipinag-utos niya ang pagbawi sa dokumento kahit sinabi sa kanya ng kanilang legal office na wala raw itong legal na basehan upang pigilan ito.
Sa Senate probe, itinanong ni Lacson kay Faeldon kung bakit pinirmahan pa rin nito ang memo kahit na hindi maaaring bigyan ng GCTA ang dating alkalde.
Tugon ni Faeldon, hindi siya naniniwala na karapat-dapat na pagkalooban ng GCTA si Sanchez noong kanyang pirmahan ang dokumento.
Pero ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kaduda-duda at hindi katanggap-tanggap ang pahayag na ito ni Faeldon.
“There is some inconsistency here because, if I were in your position, ako naging PNP chief ako, ‘pag hindi ako naniniwala, I do not sign,” ani Lacson.
Sagot naman ni Faeldon: “That is why I ordered to stop the processing of his release.”