Kumpiyansa ang Team Philippines na magagamit nila nang husto ang homecourt advantage upang makatipon ng maraming gintong medalya sa darating na 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Stephen Fernandez, deputy chef de mission (CDM) ng national team, magbibigay umano ng ibang lebel ng confidence sa mga atleta ang pakiramdam na naglalaro sa harap ng kanilang mga kababayan.
Malaki rin umano ang posibilidad na manggagaling sa larangan ng combat sports at team sports ang karamihan sa posibleng masungkit ng gintong medalya para sa Pilipinas.
Paliwanag ni Fernandez, maliban sa taekwondo, tiwala rin ito na malakas ang laban ng mga Pinoy athletes sa volleyball at basketball.
Magiging bala rin aniya ng bansa ang mga gold medalists noong nakalipas na 2018 Asian Games sa Indonesia, maging sa iba pang mga international tournaments gaya nina Hidilyn Diaz (weightlifting) at Margielyn Didal (skateboarding).
“I also believe in our team events, they are preparing hard also. You know, they also want to win especially tayo nga ang host so doble ang preparasyon nila,” wika ni Fernandez.
“I believe both in combat and team events, we can deliver [gold medals for the country],” dagdag nito.
Una nang sinabi ng sports official na dadaan sa masusing pagsala ang mga atletang isasabak ng bansa sa SEA Games.
Aniya, nais umano nitong mas mapalakas pa ang tsansa ng bansa na makapagbulsa ng mga gintong medalya.