GENERAL SANTOS CITY – Biyahe pa-Maynila bukas ang mga pamilya ng mga Maguindanao massacre victims para dumalo sa promulgasyon o pagbaba ng hatol ng hukuman sa mga akusado sa Maguindanao massacre case sa December 19, 2019, araw ng Huwebes.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Merly Perante, asawa ng namatay na si Ronnie Perante, isang mamamahayag mula sa Lungsod ng Koronadal, ang ilang pamilya ang hindi makakapunta dahil sa ibat-ibang rason.
Ayon kay Perante, mixed emotion ang kanyang nararamdaman dalawang araw bago ang pagbibigay ng magiging hatol ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Reyes sa mga akusado ng tinaguriang “trial of the century”.
Tiwala ito na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima matapos ang isang dekada o 10 taong paghihintay.
Subalit nababahala itong baka hindi patas ang pagbibigay ng desisyon.
Samantala sinabi naman ni Elliver Cablitas, mister ng namatay na si Marites Cablitas, isa ring mamamahayag na masaya siya na sa wakas ay may ilalabas nang hatol sa susunod na araw kung saan kumbisidong paborable ito sa kanila.
Mahigit isang daan ang akusado sa naganap na karumal-dumal na krimen kung saan ang mga pangunahing suspect ay ang maimpluwensiyang pulitiko sa Maguindanao na pamilya Ampatuan.
Mula sa 58 na pinagpapatay, mahigit 30 dito ay mga kagawad ng media na nakabase sa Mindanao.