CAGAYAN DE ORO CITY – Makikipagkita ang pamilya ng ilan sa 58 katao na biktima ng malagim na tinaguriang Maguindanao massacre kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang.
Ang pakikipagpulong ng pamilya ng mga biktima ay isasagawa isang buwan matapos ibaba ng korte ang hatol na guilty sa kasong pagpatay ang pangunahing mga akusado ng masaker na sina dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr, dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan at iba pang mga kaanak sa kasong multiple murder na nangyari Nobyembre 23, 2009.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng dating tagapagsalita ng Malakanyang na si Atty. Harry Roque na nais lamang ng kanyang mga kliyente na personal na makapagpasalamat kay Duterte dahil sa malaking tulong para makamtan ang hustisya para sa pamilya laban sa mga akusado.
Inihayag ni Roque na nagbigay motivation para sa kanya ang pakiusap ni Duterte na tulungan at huwag bibitawan ang mga pamilya ng mga biktima hanggat hindi makuha ang hustisya para sa kanila.
Bagamat hindi binanggit ni Roque kung anong araw ang partikular na ibibigay ng Malakanyang para muling makausap si Duterte ukol sa takbo ng kaso.
Magugunitang dahil sa labis na kasakiman ng mga akusado sa politika ay inubos nila ang lahat ng sumabay sa convoy ni dating Buluan Mayor Esmael Mangungadatu para maghain ng kandidatura sa Commission on Elections (Comelec) para wala nang balakid ng pamilya Ampatuan.