Ikinatuwa ng pamilya ng mga nasawing indibidwal matapos ang madugong pamamaril sa Pamplona Negros Oriental noong March 2023 ang naging positibong tugon ng Timor Leste sa Extradition Request ng Pilipinas laban kay dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.
Umaasa ang mga ito na maibabalik na sa lalong madaling panahon ang dating mambabatas para harapin ang kanyang patong patong na kaso sa Pilipinas.
Kung maalala, kabilang sa mga nasawi sa pamamaril ay si Negros Oriental Governor Roel Degamo at 9 na iba pa matapos ang walang habas na pamamaril sa mismong residensya ni Degamo habang namimigay ito ng ayuda.
Si Teves ang itinuturong utak sa naturang pagpatay bagama’t patuloy niyang itinatanggi ang naturang mga paratang.
Bukod dito ay nahaharap rin Teves sa kasong murder para sa kaso ng pagpatay sa tatlong indibidwal noong 2019 sa kanilang lalawigan .
Naitalaga na rin ang dating mambabatas bilang terorista ng Anti-Terrorism Council kasama ang nasa 12 indibidwal dahil sa umano’y mga pagpatay at naganap na harassment sa kanilang lalawigan.
Pinatalsik ito bilang mambabas sa House of Representatives noong Agosto ng nakaraang taon dahil sa disorderly conduct at patuloy na pagliban sa Kamara.