-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pumalo na sa 104 na pamilya o 403 indibidwal ang inilikas sa Brgy. San Roque, Malilipot, Albay dahil sa soil erosion.

Dalawang purok na ang apektado partikular na ang Purok 1 at 3 dahil sa pagguho ng lupa sa pananalasa ng Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.

Paliwanag ni Malilipot Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Engr. Alvin Magdaong sa Bombo Radyo Legazpi, pinagbasehan ng hakbang ang rekomendasyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Bicol dahil pasok pa ang tinitirhan ng mga ito sa 50-m buffer zone ng critical area.

Patuloy umanong naririnig ang mga dagundong sa lugar dahil ilang bahagi ng lupa ang bumibigay pa rin hanggang sa ngayon kabilang na ang mismong road network.

Ayon pa kay Magdaong, mismong ang MGB ang naghayag na “cohesionless” ang uri ng lupa sa lugar na madaling ma-saturate ng tubig.

Napag-alamang pryroclastic materials ang nasa ibabaw ng gully wall na bumagsak habang nasa ibaba rin ang Bulawan River na konektado sa channel ng Bulkang Mayon.