-- Advertisements --
DOST
IMAGE | Department of Science and Technology central office in Taguig City/Christian Yosores

MANILA – Lumabas sa ginawang pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) na 74.7% ng mga pamilyang may kasamang bata sa bahay ang nakaranas ng “food insecurity” o gutom habang hinaharap ng bansa ang COVID-19 pandemic.

Isa lang ang isyu ng “food insecurity” sa resulta ng Rapid Nutrition Assessment (RNA) na ginawa ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) nitong Disyembre 2020.

Hindi kasi natapos ng ahensya ang dapat sana’y Expanded National Nutrition Survey (ENNS) mula nang ipatupad ang lockdown noong Marso.

“DOST-FNRI’s ENNS was not completed because field researchers deployed all over the country were pulled-out last March 16 (2020) due to the COVID-19 pandemic,” ayon sa Science department.

“Thus, a RNA aimed at providing a snapshot of the nutrition and food security situation of the country during COVID-19 pandemic was conducted last November 3 to December 3.”

Batay sa assessment ng DOST-attached agency, 62.1% ng mga pamilyang sinurvey ang nakaranas ng katamtaman hanggang malalang antas gutom sa kasagsagan ng enhanced community quarantine noong Marso hanggang Abril.

Pinaka-malala ang naranasan ng mga pamilyang naninirahan sa mga lugar na itinuring na “low” at “moderate-risk” sa COVID-19.

Ang mga nasa “high risk areas” naman na pawang mga lungsod, hindi raw gaanong nakaranas ng gutom dahil nakatanggap sila ng tulong mula sa gobyerno at pribadong sektor.

“Impact on food insecurity was highest in 74.7% of households with children and 80.8% of households with pregnant members () than in households without such members.”

Ilan sa mga itinuturong dahilan ng hirap na access sa pagkain ay kawalan ng pera, transportasyon at trabaho.

Nag-resulta tuloy ito para mangutang ang 71.8% ng populasyong sinurvey. Ang iba naman, naghanap ng trabaho kapalit ng pagkain.

RNA COVERAGE

DOST RNA 1
IMAGE | DOST-FNRI presentation/handout

Nasa 5,717 (96.2%) lang ng 5,943 eligible household ang sumailalim sa RNA dahil hindi sumagot ang ilang napiling pamilya.

Mula sila sa siyam na lugar na tinukoy ng Inter-Agency Task Force (IATF) na COVID-19 risk areas noong July 15, 2020.

Kabilang sa “high risk” ang Parañaque City, Lapu-Lapu City (Cebu), at Pateros. Nasa “moderate risk” naman ang Pangasinan, Southern Leyte, at Zamboanga City.

Habang “low risk” ang Angeles City (Pampanga), Guimaras, at South Cotabato.

“Households with mobile cellular phones were included as respondents to facilitate data collecton in accordance with minimum health protocols.”

Sakop ng ginawang pag-aaral ang 792 kabataan na edad 0-23 months; 1,995 na nasa pre-school age; 4,305 na may edad 6-12 years old; at 148 na mga buntis.

Ayon sa DOST-FNRI, nakatanggap naman ng ayuda na pagkain ang halos lahat ng pamilyang dumaan sa survey, pero wala pa sa 50% ng mga ito ang nabigyan ng hanggang tatlong beses na tulong.

Higit 60% naman ang nabigyan ng cash assistance, pero mula sa kanila, 56.4% lang ang nakatanggap ng naturang ayuda nang higit sa isang beses.

“In low-risk areas, 78.2% of surveyed households received cash assistance only once.”

EMPLOYMENT

Bukod sa access sa pagkain, natukoy din ng RNA na 16.7% ng household heads o mga magulang ang nawalan ng trabaho. Karamihan sa kanila ay mula sa “high risk” areas.

Sa kabila nito, 17% ng mga nasa “moderate risk” areas ang nagkaroon ng oportunidad, lalo na sa sektor ng serbisyo at agrikultura.

Batay sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Oktubre, nasa 8.7% o 3.3-milyong Pilipino ang unemployed o walang trabaho.

ACCESS SA MGA SERBISYO

Dahil din sa pandemya, nahirapan ang mga pamilya na abutin ang ilang mahahalagang serbisyo.

Halimbawa sa mga kabataan, higit 50% daw ang nahirapang magka-access sa Vitamin A supplementation (55%), at Operation Timbang plus (51.1%).

Ang mga buntis naman, 15.5% ang nahirapang magka-access sa health facilities dahil sa takot na mahawaan ng COVID-19, walang pera, at walang masasakyan.

Ayon sa RNA, 14.2% ng mga buntis na sumagot ng survey ang hindi naka-inom ng kinakailangang mga gamot at supplement.

Sa kabila ng ilang issues, hindi naman daw naapektuhan ng pandemya ang pangangailangang breasfeeding ng mga sanggol.

CALL TO ACTION

Nanawagan si DOST Sec. Fortunato de la Peña na ibaba rin ng pamahalaan sa mga probinsya ang mga donasyon at benepisyo na natatanggap ng malalaking lungsod.

Ayon sa kalihim, maaaring magdulot ng matinding malnutrisyon kapag napabayaan ang mga natukoy na problema sa ilang komunidad, na maituturing naman na banta para mahawa ng COVID-19.

“Donations, and government services and benefits must be decentralized from the Highly-Urbanized Cities (HUCs) and extended equitably to the provinces with less income resources and/or with minimal or no benefactors.

“These challenges may pose increasing percentages of nutrient deficiencies and undernutrition that could lead to frequent attacks of illness like COVID – 19 and other viral infections resulting to tremendous medical cost and economic drain.”

Umaasa ang Science department na magagamit ng pamahalaan ang resulta ng RNA sa pagbuo ng mga polisiya na tutugon sa iba pang epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa.