-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakumpiska ng pinagsamang puwersa ng mga pulis at militar ang mga kagamitan sa paggawa ng improvised explosive device (IED), mga improvised grenades at claymores at mga medical supplies mula sa apat na kampo ng mga komunistang New People’s Army (NPA) sa mga kabundukan ng Bauko at Tadian, Mt. Province kahapon.

Ayon kay Police Major Carol Lacuata, information officer ng Cordillera PNP, resulta ito ng nagpapatuloy na clearing operations sa pinangyarihan ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga komunista.

Aniya, maraming mga IEDs ang natagpuan ng mga pulis at militar maliban pa sa mga nadiskubreng apat na nagsilbing temporary encampment ng aabot sa 30 mga indibidual.

Ginamit aniya ang mga nasabing kampo bilang consolidation at staging area ng mga komunista bago ang pag-atake ng mga ito habang natagpuan din ang isang kuweba na nagsilbing medical evacuation kung saan ginagamot ang mga sugatang rebelde.

Natagpuan sa mga kampo ng mga rebelde ang mga pagkain, wire strands, blasting caps, sim card, improvised grenades na may blasting caps at timefuze, improvised claymores, firing wire, mga basyo.

Natagpuan din sa nagsilbing medivac ang iba’t ibang vials, syringe, gamot, catheter, dextrose bottle, napkin, gauze pads at mga bulak na puno ng dugo.

Ayon pa kay Maj. Lacuata, nananatiling naka-red alert ang lahat ng unit ng pulisya sa Mt. Province para sa nagpapatuloy na operasyon laban sa mga komunistang NPA.

Samantala, inilipatna sa ibang pagamutan ang lima sa siyam na mga pulis na nasugatan matapos sumabog ang IED na itinanim ng mga papatakas na NPA sa pagitan ng Bauko at Tadian noong Martes.

Nakatakda rin ilibing sa April 11 ang labi ng pulis na nasawi sa nasabing insidente kung saan mabibigyan ito ng military honors bilang pagkilala sa kanyang kadakilaan.

Samantala, ipinaalala ng alkalde ng Bauko na may resolusyon ng lokal na pamahalaan na mahigpit na tumututol sa pagpasok o access ng mga komnunistang NPA at iba pang armadong grupo sa mga komunidad sa nasabing bayan.