CENTRAL MINDANAO-Nadiskubre ng isang magsasaka ang mga pampasabog na iniwan sa sakahan di kalayuan sa kalsada sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay 34th Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Edgardo Vilchez Jr na napansin ng isang magsasaka ang tatlong B-40 rockets na nakatago sa ilalim ng mga pira-pirasong tuyong mga kahoy sa isang sakahan sa Sitio KM. 17, Barangay Rangayen, Alamada, Cotabato.
Agad itong inireport ng magsasaka sa mga tauhan ng 1st Platoon 14th NC CAA Detachment ng 34th Infantry “RELIABLE” Battalion Philippine Army sa Crossing Bato Brgy Rangayen.
Agad na nagresponde ang EOD Team ng 34th IB at ligtas na iniligpit ang tatlong unexploded ordnance (UXO).
Pinaniniwalaang pagmamay-ari ng isang Moro guerilla ang naturang mga B-40 rockets na ginagamitan ng launcher kung ipuputok sa isang target.
Rocket-propelled grenades, o RPG, ang karaniwang tawag sa mga shoulder-fire anti-tank rockets.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Alamada PNP at 34th IB sa posibling nagmamay-ari ng mga pampasabog.