COTABATO CITY – Nagdulot ng takot sa mga residente ng Malagapas Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City, ang natagpuang mga pampasabog malapit sa Proposed Children’s Park Purok Omar pasado alas-6:00 kaninang umaga.
Ayon sa pulisya, ang mga pampasabog na kinabibilangan ng dalawang granada, isang improvised grenade launcher, at isang bala ng M203, ay natagpuan ng mga residente sa lugar na agad ini-report sa mga barangay officials upang mabigyan ng aksyon.
Mabilis namang rumisponde ang Explosive Ordinance Disposal Team sa lugar at natagpuan ang mga pampasabog na itinago sa “puso ng saging.”
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pag-iwan sa iba’t ibang pampasabog.
Samantala, nagpasalamat ang Philippine National Police sa publiko dahil sa mabilis na pag-report sa mga otoridad ng mga natatagpuang kahina-hinalang bagay dahil napipigilan ang anumang banta ng karahasan sa lungsod.
Nabatid na sa kaparehong area rin ang nangyaring pagsabog noong May 2019 elections kung saan magkasunod na gabi nang sumabog ang tatlong 40mm.
Ang Children’s Park ay ilang metro lamang sa likod ng City Hall ng lungsod.