Nagbabala si Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. na posibleng humantong lang sa possible criminal investigation ang mga panawagan sa Armed Forces of the Philippines na bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
May kaugnayan pa rin ito sa naging panawagan ni Davao Del Norte First District Representative Pantaleon Alvarez sa buong hanay ng Hukbong Sandatahan at Pambansang Pulisya na talikuran na ang administrasyong Marcos Jr.
Ayon kay Sec. Teodoro, nananatiling matatag ang buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pagtataguyod ng konstitusyon sa ilalim ng pamumuno ng Commander in Chief na si Pangulong Marcos Jr.
Aniya, ang anumang uri ng mga pagtatangkang ilihis ang AFP mula sa kanilang sinumpaang tungkulin o pilitin silang suportahan ang isang partisan agenda ay walang saysay o halaga.
Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi ni AFP Spokesperson Francel Margareth Padilla na ipinapaubaya na nila sa mga nakatataas ang pamamaraan para i-handle ang naturang issue kasabay ng muling pagbibigay-diin na ang buong Hukbong Sandatahan ay propesyunal, non-partisan, at nagkakaisa.