BAGUIO CITY – Hindi na umano aasa pa at hihingi ng karagdagang tulong mula sa pamahalaan ang mga pamilya ng ilan sa 44 na PNP-Special Action Force (SAF) troopers na nasawi sa Mamasapano Encounter noong Enero 25, 2015.
Sa panayam kay Edna Tabdi, sinabi niya na 70% lamang daw ang naibigay sa pangakong livelihood assistance sa nakaraang administrasyon.
Aniya, ang scholarship grant naman sa mga benificiaries ng SAF44 ay Duterte administration na ang nagbigay.
Ayon pa sa kanya, ang mga balo ng mga may-asawa sa SAF44 ang nakatanggap na ng benepisyo mula sa pamahalaan ngunit nilinaw niya na ang mga ito mula sa mga inaplayan ng kanilang mga anak na elite troopers.
Nabanggit pa nito na tatlo na sa ina ng SAF44 ang pumanaw na pero hindi pa rin nakatanggap ang mga ito ng anumang tulong mula sa pamahalaan.
Maaalalang bago pa ang ikalimang taong anibersaryo ng Mamasapano Massacre ngayong araw ay nagkaroon ng assembly ang mga magulang ng mga Cordilleran warriors na kasama sa SAF44.
Nakatakda ding magtungo ang mga ito sa Manila para makipagpulong sa kanilang abogado kasunod ng pagbasura ng Sandiganbayan sa mga kasong kinakaharap nina dating PNP chief Alan Purisima at dating PNP-SAF chief Getulio Napeñas dahil sa naging papel ng mga ito sa nangyaring masaker.