-- Advertisements --

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na walang direktiba ang Malacanang na isailalim sa surveillance ang mga mamahayag na kabilang sa lumabas na “Duterte ouster” matrix.

Pero ayon sa PNP chief, iimbestigahan pa rin nila ang mga pinangalanan sa matrix para ma-validate kung totoong may kinalaman ang mga ito sa tangkang pabagsakin ang pamahalaan.

Paliwanag ni Albayalde, ito ay sariling inisyatiba ng PNP katulad din kanilang ginagawang pag-validate sa raw intelligence information na natatanggap nila.

Bahagi lang aniya ito ng proseso ng intelligence gathering para kung humingi ng komento sa PNP ang mga ibang security agencies ng pamahalaan, ay maaari nilang kumpirmahin o itanggi ang nasagap na intelligence information.

Dagdag pa ni Gen. Albayalde na sa ngayon ay wala pa namang inihahandang kaso laban sa mga mamahayag na nasa matrix dahil wala pa namang ebidensya na mag-uugnay sa mga ito sa tangkang pagpapabagsak sa gobyerno.