-- Advertisements --

ILOILO CITY – Iniimbestigahan na ng pulisya ang modus ng scammer na gumagamit ng pangalan ng politiko sa Iloilo upang makakuha ng pera.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Major Fernand Limbungan, hepe ng Sta. Barbara Municipal Police Station, sinabi nito na ang scammer ay gumagamit ng pangalan ni Sta. Barbara, Iloilo Vice Mayor Jeffrey Sumbilla.

Anya, hiningan ng P6,000 na halaga ng cellphone load ng scammer ang isang real estate agent at pinapunta siya sa Sta. Barbara Municipal Hall upang kunin ng pera sa bise alkalde.

Ngunit laking gulat ng bise alkalde dahil wala siyang kaalam-alam na ginagamit na ang kanyang pangalan sa pangloloko.

Napag-alaman ayon sa hepe na marami pang mga kasapi ng Vice Mayor’s League sa Iloilo ang nabiktima ng nasabing modus.