-- Advertisements --

Patuloy pa rin ang buhos ng mga papuri sa isang nurse matapos nitong tulungang manganak ang isang street dweller sa Osmeña Avenue sa Brgy. Bangkal, Makati City.

Ibinahagi ng Bangkal Emergency Response Team sa social media ang mga larawan ng nurse, na napadaan lang sa lugar, noong Martes ng umaga kung kailan nangyari ang panganganak ng homeless.

Sa kwento ng nurse na si Mary Lorraine Pingol, late na raw siya sa trabaho nang tawagin ng barangay rescue team.

Hindi rin naman daw ito nakatanggi lalo pa’t isa siyang nurse na sumumpang tutulungan ang sinumang nangangailangan ng kanilang tulong.

“There’s no other person to help them kundi ako…Saka nurse din naman ako. May sinumpaan kami.” wika ni Pingol.

Aminado naman ang 29-anyos na si Pingol na hindi siya makapagtrabaho ngayon sa ospital dahil nasa remission pa siya sa sakit na leukemia.

Sa ngayon, nagtatrabaho siya bilang nurse sa isang health maintenance organization (HMO).