LEGAZPI CITY — Muling nagpaalala ang Simbahang Katolika sa Legazpi sa practice ng simbahan na pagiging non-partisan sa halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Diocese of Legazpi Social Action Center Director Father Rex Arjona, sinabi nito na hindi maaaring mag-indorso ang mga pari lalo na ang mga kasapi ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa sinumang kandidato lalo na sa gitna ng misa.
Maaari kasing ma-misinterpret daw ito ng mga tao.
Ayon kay Arjona, sakop ng panuntunan na ito ay hindi lamang ang mga pari kundi ang mga lay minister.
Aniya, iniindorso umano ng simbahan ang mga “may mabuting prinsipyo, may konsensya, rumerespeto sa buhay ng mga kababayan, hindi tahimik sa gitna ng mga patayan, inuuna ang mga common good ng bansa at mga kababayan, may integridad at hindi sangkot sa katiwalian subalit walang partikular na pangalan.”
Para naman sa 2019 midterm elections, magkakaroon ng training ang volunteers sa Sabado para sa poll watching, monitoring, reporting, voters desk sa eleksyon at iba pang monitoring bilang paghahanda.
Magkakaroon rin umano ng candidates forum.