NAGA CITY – Bagama’t mas tumitindi ang tensyon sa paligid ng Hong Kong University, nagpapatuloy naman ang counselling ng mga pari at ilang religious group na kasamang na-trap sa loob ng unibersidad.
Sa report ni Bombo International Correspondent Ricky Sadiosa, sinabi nitong ilang mga pari ang kasama sa humigit-kumulang 1,000 tao na nasa loob pa ng unibersidad.
Ayon kay Sadiosa, kasabay ng nag-iinit na tensyon ay patuloy na hinihikayat ng mga pari ang mga raliyista na sumuko na lamang sa mga otoridad para matapos na ang kaguluhan.
Ngunit sa kabila nito, humigit-kumulang sa 200 katao aniya ang patuloy sa pagmamatigas na kahit anong mangyari ay patuloy na lalaban.
Una nang sinabi ni Sadiosa na hindi lahat na nakulong sa loob ng unibersidad ay mga raliyista dahil karamihan sa mga ito ay mga ordinaryong mag-aaral, mga guro, mga kagawad ng media at medical team.
Nabatid na paubos na ang suplay ng gamot at pagkain sa loob, habang mahigit sa 100 katao naman ang sugatan na hindi basta madala sa ospital dahil sa mga nakabarikadang mga pulis.