-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Positibo ang Pilipinong pari sa Rome, Italy na si Rev. Fr. Joseph Capon na si Cardinal Luis Antonio Tagle ng Pilipinas ang susunod na maging Santo Papa matapos pumanaw si Pope Francis nitong nakaraang araw, alinsunod na rin sa mga mensaheng ipinaabot sa kanya mula sa mga paring Italyano.

Ayon sa pari na mula sa bayan ng Tubay, Agusan del Norte, malaki ang tsansa na ang Filipino cardinal ang maitatalaga sa nabakanteng posisyon dahil sikat din ito sa Italy, lalo pa’t halos pareho umano ang ugali nito kay Pope Francis.

Dagdag pa ni Fr. Capon, hindi malabong iboboto ng ibang Cardinals si Cardinal Tagle dahil alam nilang ang Pilipinas lamang ang bansa sa Asya kung saan 80% ng populasyon ay mga Katoliko.

Mas makabubuti din umano kung si Tagle ang magiging Santo Papa, lalo na’t maraming mga Pilipino sa Italy ang naninirahan at nagtatrabaho.

Sa kasalukuyan, ay malaki ang impact na iniwan ng pagkamatay ng Holy Father sa Simbahang Katolika lalo na’t marami pang mga problema ang kinakaharap ng simbahan tulad ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, Israel at Hamas, at ang mga hindi masyadong nababalitang gyera sa mga bansa sa Africa.