Inilabas na ng PNP Crime Laboratory Region 10 ang autopsy report sa mga namatay sa madugong pagsisilbi ng search warrant sa mga Parojinog sa Ozamiz City.
Lumalabas na nagtamo ng blast injuries sina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, misis nitong si Susan, kapatid na si Mona at Octavio Parojinog.
Ayon kay PNP Crime Laboratory Region 10 chief, S/Supt. Leocy Mag-Abo, walang nakitang gunshot wounds sa dalawang kapatid ng alkalde na sina Octavio at Mona.
Ang sanhi daw ng kanilang pagkamatay ay blast injuries.
Habang ang misis ng alkalde na si Susan ay nagtamo ng gunshot wound sa kaniyang kaliwang mata kung saan ang bala ay nag-exit sa likod ng ulo nito.
Kinumpirma ni Mag-Abo na si Mayor Parojinog ay nagtamo ng dalawang gunshot wounds sa dibdib at mukha nito.
Ayon pa sa opisyal na ang isa sa bodyguard ng mga Parojinog na nakilalang si Vicente Torregoza ay namatay dahil sa blast injuries na posible hawak niya ang granada at nabitawan niya ito at saka sumabog at naging sanhi ng pagputol sa dalawang paa nito.
Dagdag pa ng opisyal, nadiskubre rin ng SOCO sa crime scene ang isang grenade pin na naka-insert sa daliri ng bodyguard.
Wala namang nakitang indikasyon ang PNP Crime Lab na binaril at close range sina Mayor Parojinog at sa asawa nitong si Susan.