Umalma ang ilang miyembro ng PDP-Laban, Partylist Coalition at Nationalist People’s Coalition (NPC) sa sinasabing suporta na nakuha ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa pagka-Speaker.
Ito ay matapos itanggi ng mga miyembro ng nasabing mga grupo na kasali sila sa pagbigay ng suporta kay Velasco dahil iba rin ang kanilang sinusuportahan na susunod na speaker.
Bunsod nito, naglabas ng paglilinaw ang tatlong partido at itinatanggi ang pagsuporta kay Velasco matapos lumabas ang kopya ng multi-party manifesto nitong Miyerkules at sumusuporta umano kay Velasco. Ang dokumento ay pimrado ng ilang mga lider at representante ng nasabing mga grupo.
Ilang minuto matapos ilabas ang manifesto, ang 54-member na Party-list Coalition ay mariing itinanggi ang pagsuporta kay Velasco bilang speaker.
“As far as the coalition is concerned, we have yet to come up with the decision on who we will endorse as House Speaker,†wika ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, Jr.
Saad pa ni Garbin na kailangan pa nilang mag-meeting at makuha ang consensus ng bawat miyembro ng Partylist Coalition bago ang final decision.
Nang tanungin kung bakit kasali si 1-PACMAN party-list Rep. Michael Romero sa mga pumirma sa multi-party manifesto, saad ni Garbin na nagawa ito malamang ni Romero bilang personal na desisyon at hindi ng buong coalition.
Hindi rin umano katanggap-tanggap ang pagpimra ni Romero sa manifesto, at binansagan pang “unfair†ito ni Ang Kalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
“What Cong. Mikee Romero did would have been OK if it was clear that it was his individual preference. But to speak for the party-list bloc, it’s unfair to us. We never discussed it. That was illegal and there was no basis for that,†paliwanag ni Defensor.
“We would like, in clear terms, repudiate the representation of Cong. Mikee Romero saying the party-list bloc already decided for Cong. Lord Allan Velasco. There was no such decision,” saad pa ni Defensor.
Samantala, inamin naman ni Senate President Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition na nasorpresa siya kasama ang NPA sa lumabas na manifesto, paliwanag niya na wala pa namang desisyon ang partido sa opisyal na pagpili ng napipisil na bagong Speaker.
“We are still doing consultations and our decision has not been made public because it is not yet final,†sinabi pa ni Sotto.
Para naman kay Albay Rep. Joey Salceda, inamin din niya na walang naganap na konsultasyon sa pagitan ng mga miyembro ng PDP-Laban bago ang nasabing endorsement kay Velasco bilang House Speaker.
Dagdag pa ni Salceda na ang mga party leaders ay hindi dapat naglalabas ng mga desisyon nang walang pormal na konsultasyon mula sa miyembro ng partido sa napipisil na House Speaker.
Wika pa ni Salceda importante ang komunikasyon at konsultasyon dahil lahat naman ng kaalyadong partido ay tumulong sa pagka-panalo ng mga kandidato ng administrasyon.
Umalma din ang Albay congressman sa banta ni PDP Laban President Koko Pimentel na paparusahan ang mga miyembro ng partido na hindi boboto kay Velasco, anya hindi nabu-bully o natatakot sa banta ang mga miyembro kung iba man ang kanilang piliin.
Nauna rito, mga kongresista mula sa partidong PDP-Laban, sa pangunguna ni Rep. Ronnie Zamora, Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, Rep. Abraham Tolentino at Rep. Dan Fernandez, ay nagsama-sama upang ihayag ang kanilang buong suporta sa pagka-Speaker ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano.
Sa kasagsagan ng init sa karera sa bagong House Speaker, nagkaisa ang mga mambabatas sa PDP-Laban upang isulong ang pagka-Speaker ni Cayetano kahit pa siya ay mula sa Nacionalista Party.
Ayon kay Congressman Zamora (Lone District of San Juan), nagdesisyon siyang suportahan si Cayetano dahil alam niyang siya ang pinaka-kwalipikadong tumayo bilang Speaker kumpara sa ibang mambabatas na nagnanais na mamuno sa House.
Sinabi naman ni Congressman Gonzales (Lone District of Mandaluyong) na ang kailangan sa Kamara ay hindi lamang malapit sa Presidente kundi meron din itong kakayanang mamuno, bukod pa sa magandang track record sa serbisyo publiko.
Dagdag naman ni Cong. Tolentino (7th District, Cavite) and Cong. Dan Fernandez (1st District, Laguna), naghayag na ng suporta ang karamihan ng PDP-Laban solon para kay Cayetano dahil nais nila na ang mamuno sa Kamara ay taong mapagkakatiwalaan.