Kampante si Elmer Felix Manlangit Pornel, kandidato sa pagka-kongresista ng Hugpong ng Pagbabago sa ikatlong distrito ng Albay na papaboran siya ng Commission on Elections (Comelec) sa inihaing disqualification case laban kay Fernando “Didi†Cabredo.
Sa kanyang reklamo, iginiit ni Pornel na hindi tumalima si Cabredo ng residency requirement na itinatakda ng Omnibus election code para sa mga tumatakbo sa pagka-kongresista.
Sa ipinatawag na pagdinig sa Comelec, sinabi ni Pornel na binigyan sila ng tatlong araw para magsumite memorandum at magiging submitted for resolution na ang kaso.
Wala naman itong ideya kung kailan ilalabas ng Comelec en banc ang desisyon sa inihain nitong reklamo.
Gayunman, naniniwala itong papaboran siya ng Comelec dahil tila basura naman daw o walang relevance ang mga ebidebsiyang isinumite ng kanyang kalaban para patunayan ang kanyang residency requirement.
Sa reklamo ni Pornel, ipinunto ni nito na noon lamang July 3, 2018 nagparehistro si Cabredo bilang botante sa Ligao City na sakop ng ikatlong distrito ng Albay, subalit pagsapit ng Oktubre 27, 2018 ay naghain ito ng kandidatura sa pagka-kongresista.
Malinaw aniya na hindi pa kuwalipikado si Cabredo na kumandidato bilang kongresista sa naturang distrito.
Ang ginawa aniya ni Cabredo ay isang uri ng paghamak sa institusyon ng gobyerno katulad ng Comelec dahil sa “false information†nito sa kanyang inihaing Certificate Of Candidacy (CoC).
Maliban dito sinabi ni Pornel na mistulang nilinlang din ni Cabredo ang mga botante sa Albay.
Aniya, hindi karapat-dapat na manilbihan ang isang aspirante sa posisyon sa gobyerno kung sa simpleng CoC ay nagsisisinungaling na ito.