KALIBO, Aklan—Ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang pagsasagawa ng mga party at malalakas na tugtog sa Isla ng Boracay sa Biyernes Santo.
Sa nilagdaan na memorandum order ni Malay Mayor Frolibar Bautista, hindi sila magbibigay ng permits para sa pagsasagawa ng mga parties at iba pang mga aktibidad na may malalakas na musika simula alas-6:00 ng umaga ng Good Friday, April 18 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Black Saturday, April 19, 2025 na ibinase sa Sangguniang Bayan Resolution No. 15 series of 2009.
Samantala, upang mapanatili ang kalinisan sa Boracay, magsasagawa ng malawakang coastal at underwater clean up drive ang iba’t ibang tanggapan at ahensya ng pamahalaan gayundin mga organisasyon at asosasyon simula ngayong Huwebes Santo, April 17 hanggang sa Easter Sunday, April 20, 2025.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office, ang nasabing aktibidad ay inorganisa upang mapanatili ang kalinisan sa baybayin dahil sa inaasahan na libo-libong mga turista at bakasyunista na magpapalipas ng Semana Santa sa Boracay.
Sa kasalukuyan aniya ay naramdaman na ang bigat ng pagpasok ng mga turista sa isla at mangilan-ngilan na lamang ang mga accredited hotels at resorts accomodation na available.
Payo nito sa mga nais magbakasyon sa Boracay, tiyakin na sa mga lehitimong accredited accomodation establishments magpa-book upang hindi maunsyami ang masaya sanang bakasyon.
Makikita aniya ang listahan sa website ng Department of Tourism (DoT).