-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Naramdaman na ang bigat ng pagbuhos ng mga pasahero at turista na dumadaan sa Caticlan Jetty Port sa bayan ng Malay ngayong Huwebes Santo kung kaya’t doble kayod sa pagbabantay at pag-inspection ang Philippine Coast Guard (PCG) Aklan.

Sa katunayan ayon kay Lt. Jason Lavadia, provincial commander ng PCG-Aklan simula noong Linggo ng Palaspas ay nakakalat na ang kanilang tauhan sa nasabing pantalan at sa Isla ng Boracay upang matiyak ang kaligtasan ng mga byahero at bakasyunista.

Kaugnay nito, regular ang kanilang pagsasagawa ng baggage inspection katuwang ang K-9 units at may mga coastal at seaborne patrol upang masiguro na sumusunod ang lahat sa ipinapatupad na one entry, one exit policy.

Nabatid na noong Palm Sunday ay nakatala ang kanilang tanggapan ng mahigit sa 9,000 na mga pasaherong pumasok sa Boracay matapos na dinagdagan ng Department of Tourism (DoT) ang daily carrying capacity mula sa dating 5,000 hanggang 6,000 daily tourist arrival.

Dagdag pa ni Lt. Lavadia, inaasahan na umano na tataas pa ang tourist arrival hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday.