Umapela ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na gumamit ng face mask.
Ito ay kasabay na rin ng umano’y mabilis na paglaganap ng streptococcal toxic shock syndrome (STSS) sa bansang Japan.
Ginawa ni MIAA spokesman Chris Bendijo ang apela, kasabay na rin ng ginawang paglalagay ng mga reminders at advisory sa naturang paliparan na nagbibigay paalala sa mga pasahero na gumamit ng face mask, at hand sanitizer.
Pinaalalahanan din nito ang mga pasahero na takpan ang kanilang mga bunganga at ilong kapag bumabahing, sumisipon, at kung uubo.
Ayon kay Bendijo, regular nang nakikipag ugnayan ang MIAA sa Department of Health (DoH) at Bureau of Quarantine (BoQ) para sa akmang monitoring sa mga pasaherong nangagaling sa ibang mga bansa.
Gayonpaman, nilinaw naman nitong hindi pa rin mandatoryo ang paggamit ng mga face mask sa mga naturang paliparan.
Sa kasalukuyan, hindi pa nakikita ng DOH ang STSS bilang isang public health concern. Pero una na ring naglabas ang ahensiya ng paalala sa publiko na bantayan ang kanilang kalusugan, at kailangang gawin ang mga preventive measure laban sa mga influenza-like illnesses.
Una nang iniulat ng Centers for Disease Control and Prevention noong pagsisimula ng buwan ng Hunyo na mayroong 977 cases ng STSS ang naitala sa bansang Japan.
Kabilang sa mga maagang sintomas na maaaring makita o maramdaman dito ay ang lagnat, panlalamig o chills, mananakit ng kalamnan, at pagsusuka.