Naguumpisa na dumagsa ang mga pasaherong pabalik ng Maynila dito sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong araw. Ngayon kasi inaasahan na magsisiuwian ng Metro Manila ang mga nagbakasyon dahil tapos ang christmas at holiday break nila.
Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, inaasahan aniya ng kanilang pamunuan na papalo sa 170,000 hanggang 200,000 ang dadagsa sa terminal para sa unang araw ng back to work at back to school ng mga pasahero.
Sa ngayon ay bahagya pa aniyang makuwag sa terminal kumpara sa mga naging daloy ng foot traffic dito noong nakaraang pasko hanggang Bagong Taon.
Ani Calbasa, maliban sa inaasahang foot traffic sa terminal ay inaasahan din na hindi hihinto sa 710 ang mga nakumpiskang mga ipinagbabawal na gamit sa mga pasahero.
Aniya hanggang lunes ay nananatiling alerto ang kanilang terminal sa mga confiscated items at maging sa mga bilang ng mga pasahero.
Paalala naman ni Calbasa, iwasan na ang pagdadala ng mga flammable items at matatalim na bagay dahil ito ay makukumpiska at hindi na makukuhang muli.
Mas maaga din sana pumunta ng terminal ang mga pauwi naman ng probinsiya para hindi na maipit sa maaaring mahabang pila sa mga ticket booths.
Inaasahan naman na papalo sa tatlong milyon ang kabuuang bilang ng mga pasahero na mapagsisilbihan ng terminal hanggang Lunes.