Nagsimula ng dumagsa ang mga pasahero sa mga pantalan nitong Palm Sunday, Abril 13, ang hudyat ng pagsisimula ng Holy Week.
Sa huling monitoring ng ahensiya, nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mahigit 136,000 pasahero sa lahat ng pantalan sa buong Pilipinas kung saan nasa 71,682 ang outbound passengers at 64,899 ang inbound passengers sa mga pantalan.
Bilang tugon, nagdeploy ang PCG ng mahigit 4,000 frontline personnel sa 16 na PCG Districts at in-inspeksiyon ang 554 na mga barko at 1,027 motorbancas.
Inilagay na rin ng PCG ang lahat ng districts, stations, at sub-stations nito sa heightened alert mula Abril 13 hanggang 20 para mapangasiwaan ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.
Para sa anumang inquiries, concerns at paglilinaw kaugnay sa mga regulasyon at protocol sa biyahe sa dagat ngayong Holy Week, inaabisuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa PCG sa pamamagitan ng kanilang Facebook page o Coast Guard Public Affairs Service (0927-560-7729).