Simula ngayong araw ay hindi na rin papayagan ang mga international at domestic passengers na pumasok sa mga paliparan kung walang suot na face mask.
Alinsunod ito sa direktiba na inilabas ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na nagmamando sa mga pampublikong transportasyon kasama na rito ang aviation, railway at maritime sectors na siguraduhing nakasuot ng face shields ang kanilang mga pasahero.
Nakahanda namang tumugon dito ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, kailangang tiyakin ng mga airport officials na nakasuot ng face mask ang mga pasahero sa oras na makarating ang mga ito sa paliparan.
Kailangan namang isuot ang face shield bago sila sumakay ng eroplano o bago pumasok ng aerobridges. Isa ito sa mga hakbang ng DOTr upang hindi na kumalat pa ang coronavirus disease.
Bukod sa pagsusuot ng masks at face shields, kakailanganin ding ipakita ng mga pasahero ang kanilang negative COVID-19 results o certification na magpapatunay na hindi sila carrier ng deadly virus.
Paliwanag ni Tugade, hindi raw ito ang panahon upang isipin na ang nasabing panibagong requirement ay dagdag lamang sa gastos ng mga byahero bagkus ay dapat isa-isip ng mga ito ang proteksyon ng bawat isa.
Samantala, kinansela na ng Philippine Airlines (PAL), Cebu Pacific (CEB) at Air Asia ang kanilang mga domerstic flights mula Manila at iba pang destinasyon sa bansa habang tuloy pa rin ang flights sa mga international destinations kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.
Patuloy din na painaiiral ng mga local carriers ang enhance bio-security preventive measures para siguraduhin ang kaligtasan hindi lamang ng mga pasahero ngunit pati na rin ang kanilang mga empleyado.
Tulad na lamang ng araw-araw na paglilinis at disinfection protocols para sa lahat ng aircraft at pasilidad ng mga paliparan, rapid antibody testing sa mga frontliners at crew, maging ang contactless flight procedures.