-- Advertisements --
PAL FLIGHT
PAL Flight

ILOILO CITY – Panalangin ang naging sandata ng mga sakay ng Flight PR113 ng Philippine Airlines na nag-emergency landing sa Los Angeles, California dahil sa umano’y engine failure.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Rev. Fr. Pedro Calvo Jr., tubong Calinog, Iloilo at isa sa mga sakay sa nasabing eroplano, sinabi nito na kanilang itinuturing na second life o pangalawang buhay ang pagkakaligtas sa nasabing insidente.

Ayon kay Fr. Calvo, walang problema sa pag take-off ng eroplano ngunit makaraan ang ilang minuto, naramdaman na ang pag-alog at doon na nakita na umaapoy ang makina ng eroplano.

Inihayag ni Fr. Calvo na sa kabila ng engine failure, walang panic na nangyari dahil naging kalmado ang lahat ng crew hanggang sa nagdeklara ang piloto na kailangan nilang mag-emergency landing sa Los Angeles.

Sa mga oras na iyon ayon sa Pari, tanging panalangin at tiwala sa piloto ang kanilang ginawa upang makaligtas.

Matapos ang matagumpay na emergency landing, nakita pa mismo ni Fr. Calvo na nasira ang mga gulong ng eroplano dahil sa malakas na impact ng pag-emergency landing.

Napag-alaman na patungo sana sa Manila ang flight PR 113 kung saan sakay ang 342 pasahero at 18 crew members.