LEGAZPI CITY- Hindi pa gaanong nararamdaman ang dagsa ng mga pasahero sa pantalan ng Matnog sa Sorsogon hanggang ngayong araw.
Ayon kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, matumal pa ang pagdating ng mga pasahero at rolling cargoes dahil hindi pa aniya bumabalik ang ilang mga nagbakasyon sa kanilang mga probinsya.
Sa kabila nito, tinitingnan na posibleng bukas o sa mga susunod na araw ay unti-unti nang tataas ang bilang ng mga biyahero sa pantalan.
Batay sa tala ng naturang tanggapan ay nasa 5,000 hanggang 6,000 kada araw na mga pasahero lamang ang naitala bago ang pagdiriwang ng bagong taon.
Mas mababa ang naturang bilang sa 10,000 na mga biyahero kada araw noong nakalipas na Pasko.
Sinabi ni Galindes na posibleng dahil ito sa kooperasyon at pagsunod ng mga biyahero sa kanilang panawagan na bumiyahe ng mas maaga upang maiwasan ang siksikan sa pantalan.