VIGAN CITY – Kanselado na lahat ang byahe ng mga sasakyang pandagat sa Port of Real, Quezon dahil pa rin sa banta ng bagyo Paeng at ilan sa mga pasahero ay nananatiling stranded.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Eduardo Estoche, crew ng MV Syvel, ngayong nakataas ang signal no 1 sa Polillo Islands ay naitigil muna ang operasyon ng lahat ng mga sasakyang pandagat ngunit kung gale warning umano ay mapapahintulotan pa rin bumyahe ang mga ruru vessel.
Sa ngayon ay nananatiling tengga ang mga pasahero sa barko at may mga ilan din na nasa pantalan na naghihintay na bumuti ang kalagayan ng panahon.
Ayon naman sa isang stranded na pasahero na si Bobet Escarezes, taga-Polillo Islands, mula pa noong gabi silang nananatili sa barko dahil alas tres pa lamang ng madaling araw nang makarating sila doon.
Aniya ay hindi na nila naantabayanan pa ang abiso o weather advisory ng PAGASA na nagtataas ng signal no 1 sa kanilang lugar.
Hinihintay nila sa ngayon ang direktiba mula sa coast guard at inaasahang hihina na ang bagyo upang makapagtuloy-tuloy na sila sakanilang byahe.
Sinabi pa nito na karaniwan talagang problema sakanila na stranded na mga pasahero kung ang kanilang dalang badyet ay sakto lamang sa kanilang pamasahe kung kaya’t mabuti umano na may ibinibigay sa kanila ng Local Government Unit na mga pagkain.