-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Dagsa na ang mga pasahero sa Pio Duran Port sa Albay matapos payagan na muling bumiyahe ang mga roro vessels kasunod ng pagkakansela dahil sa bagyong Agaton.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Noel Ordoño, head ng Pio Duran MDRRMO, halos sunod-sunod ang mga dumarating na pasahero at mga sasakyan sa pantalan kung kaya hindi na mabakante pa ang mga bumabiyaheng roro vessels.

Inaasahang mas dadagdsa pa ang mga biyahero dahil marami pa ang humahabol na makauwi sa kanilang lalawigan para sa obserbasyon ng Semana Santa.

Naglatag na ang lokal na gobierno ng dalawang lote para sa parking at holding area upang maiwasan ang masikip na daloy ng trapiko.

Pinapauna naman sa pila ang mga pasyente, ambulansya o patay.

Tiniyak din ng opisyal na nakabantay ang kanilang mga tauhan katulong ang lokal na pamahalaan, Philippine Coast Guard at PNP upang matiyak ang seguridad ng publiko.