Umabot sa 47,104,197 ang bilang ng mga pasaherong naitala na sumasakay noong taong 2021 sa EDSA Busway na mas kilala rin bilang EDSA Carousel.
Batay sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa mahigit 2 million na mga commuter ang kanilang naitatala sa unang tatlong buwan ng taong 2021.
Noong isinailalim kasi sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong Metro Manila ay nakapagtala pa rin ang kagawaran ng dalawang milyong mga pasahero noong buwan ng Enero, 2.3 million noong buwan ng Marso, habang 1.6 million naman ang naitala noong buwan ng Abril, at muli naman itong tumaas nang sumapit an buwan ng Mayo kung saan ay umabot sa 2.6 million ang bilang ng mga commuters na kanilang naitala.
Samantala, sa pagtatapos naman ng unang phase ng Service Contracting Program noong June 30, 2021 ay nakapagtala naman ng kabuuang 4.6 million na bilang ng mga pasahero ang sumasakay EDSA Busway.
Habang pumalo naman sa 3.6 million at 2.2 million ang bilang ng mga pasaherong naiulat na sumasakay dito noong buwan ng Hulyo at Agosto noong nakaraang taon.
Nasa 3.8 million na mga mananakay naman ang kanilang naitala sa pagpapatuloy ng naturang programa noong buwan ng Setyembre.
Dumoble naman ang bilang ng mga pasahero ng busway na naitala sa mga natitira pang mga buwan ng taong 2021, kung saan ay nasa 6.4 million ang naiulat noong Oktubre, 7.4 million noong buwan ng Nobyembre, at nasa 7.6 million naman noong buwan ng Disyembre na may pinakamaraming bilang na naitala noong nakaraang taon.
Ang EDSA Busway o EDSA Carousel ay isang bus lane service na isang collaborative project ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Public Works and Highways (DPWH) na layon na tumulong na pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapaikli sa oras ng byahe ng mga pasahero upang mabawasan na ma-exposed ang mga ito sa nasabing nakakamatay na virus.