Nagbanta ang Department of Health (DOH) na posibleng maharap sa pagkakaaresto ang mga hindi tatalima sa ipinapatupad na mandatory measures upang mapigilan pa ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, sa ilalim ng state of public health emergency na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte, maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan ang mga lalabag, at pagmumultahin pa ng mula P20,000 hanggang P50,000.
Maaari ring mawalan ng permit ang mga establisimento, at maging ang mga private professionals at government workers ay maaaring suspendihin kung hindi makikipagtulungan ang mga ito.
Habang ang mga pasyenteng hinihinalang dinapuan ng COVID-19 na ayaw magpa-isolate o magpa-quarantine ay posible ring dakpin.
“The DOH order for quarantine must be followed in earnest by everyone,” wika ni Duque.
Nagbabala rin ang kalihim sa mga level 2 at 3 na mga ospital na hindi ito puwedeng tumanggi sa mga pasyente na suspected o na-diagnose nang may COVID-19.
Sa bisa ng Proclamation No. 922 na pinirmahan ni Pangulong Duterte, hihimukin ang lahat ng mga governmental at non-governmental agency na magsanib-puwersa upang puksain ang banta ng pagkalat ng sakit.