-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Papalitan ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang mga pasilidad sa Children’s Park na bahagi ng dinarayong Burnham Park.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ito ay pagkatapos matuklasan na naglalaman ng mataas na ‘lead content’ ang 17 na pasilidad na pinaglalaruan ng mga bata sa parke.

Dahil dito, maglalaan ang pamahalaan ng P9-Million para mapalitan ang mga monkey bars, seesaws, at swings dahil sa mataas na lead ng mga pinturang ginamit sa mga ito.

Una nang natuklasan ng Eco Waste Coalition na mataas ang lead ng mga nasabing pasilidad.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nabuksan na ang bidding sa proyekto at nananatiling nakabukas sa publiko ang Children’s Park ngunit hindi muna papahintulutang maglaro ang mga bata hanggang hindi pa napapalitan ang mga pasilidad.